Hindi Ako Paasa (A Short Story)

14117970_1609319082699993_3227833293394277686_n.jpg


Masakit kasi pinaasa ka niya. Pero mas masakit kasi narealize mo, hindi ka pala niya pinaasa. Dahil ikaw ang kusang umasa. Kahit sa simula pa lang, wala namang aasahan pa.


Continuation of Paasa Lang Pala


His POV

Kararating ko lang galing sa university kung saan ako nag-aaral. Kahit pagod ang isip at katawan ko, kinuha ko ang laptop na nasa study table at naglog-in sa facebook.

Umaasa akong may makukuha na naman akong bagong balita tungkol sa kanya. Tatlong taon na kaming hindi nagkikita at nagkakausap. At tanging sa social sites ko lang nalalaman kung ano ang sitwasyon niya.

Halos mapatalon ako sa tuwa nang makita ang pangalan niya sa online box. Gusto ko siyang i-chat. Pero hindi ko alam kung saan magsisimula. Alam ko naman kasing malaki na ang naging pagbabago mula noong araw na iyon. Hindi ko naman masabi sa kanya ang totoong dahilan kung bakit ako biglang lumayo sa kanya dahil may umaasang tutuparin ko ang pinangako ko.

Pero hindi naman niya sinabing hindi ko siya pwedeng kausapin di ba? Ako lang naman 'yung kusang lumayo para sa kapakanan niya. Ginusto ko lang naman na gawin ang bagay na iyon dahil 'yun ang sa tingin ko ay tama.

Pero bakit ngayon, pakiramdam ko, mali? Sobrang mali ng nagawa ko? Inakala kong ako lang 'yung masasaktan. Hindi ko naisip na siya pala, siya pala 'yung higit na nasasaktan sa aming dalawa.

Sana... sana may pag-asa pa para sa aming dalawa. Tutuparin ko ang pangako ko, pero hindi ko na rin pahihirapan pa ang sarili ko. Umaasa akong maibabalik kong muli ang pagkakaibigang nawala.

Pagkakaibigan.

Pagkakaibigan na lang muna sa ngayon. Pero sisiguraduhin kong mapupunta din kami sa sitwasyong higit pa sa kaibigan ang nararamdaman niya sa akin. Dalawang taon na lang. Sana mahintay niya pa. Sana mahintay ko pa...

Hindi ko napigil ang sarili kong padalhan siya ng mensahe. Hindi ko naman alam kung saan at paano sisimulang makipag-usap sa kanya. Kaya sinimulan ko na lang sa tanong na gustong-gusto kong malaman. "Kumusta ka na pala?"

Umaasa na akong hindi niya papansinin ang mensaheng ipinadala ko. Alam kong galit siya sa akin. Sa sakit ba naman na ibinigay ko sa kanya. After what I did to her, she has every right to hate me.

"Ayos lang." Nabigla ako. Hindi ko inaasahang sasagot siya. Gayunpaman, masaya ako. Masayang-masaya.

"Ah ganun ba? Hehe, eh ang lovelife?" hindi ko alam kung bakit yun kaagad ang isinunod ko sa unang tanong ko. Marahil dahil gusto kong malaman kung may iba na ba siyang nagugustuhan. Kung nawala na ba 'yung pagmamahal niya sa akin. Sana hindi. Kasi ako, hinihintay ko pa rin siya. Tamang panahon na lang naman ang kulang.

"Ano pa bang dapat isagot diyan? Siyempre, wala." wala sa sariling napangiti ako sa nabasa. Mabuti naman. May pag-asa pa ako.

"Ah, mabuti naman. :) Huwag kang mang entertain ng iba ah. " natampal ko ang sariling noo nang mapagtanto kung ano ang kapapasa ko lang na mensahe sa kanya.

'Engot! Bakit mo naman sinabing huwag siyang mag-entertain ng iba? Baka makahalata siya!' saway ng isip ko sa akin. Pero 'yun naman talaga ang gusto kong sabihin sa kanya. Dapat nga sana ay 'Hintayin mo ako.' ang ita-type ko.

"Anong ibig mong sabihin? Bakit?" Ayan! Lagot na! Nablangko na lang bigla ang isip ko at hindi na ako makakuha ng maaaring isagot sa kaninang tanong ko. Hindi niya sinagot pero tinanong naman ako. Nagtataka marahil siya dahil sa huling mensahe ko. Taena! Paano ko ito lulusutan?

Hindi pa ito ang tamang panahon para malaman niya ang tungkol sa pangako. Natatakot akong baka hindi ko na mapigil ang sarili. Pabayaang hindi tuparin ang pangakong iyon. Hindi pwede dahil magiging komplikado lang ang lahat kapag ganun.

"Wala! Wag mo na lang pansinin." Iyan na lang ang isinulat ko. Wala akong ibang maisip. Sana hindi niya na lang pansinin pa ulit iyon. Sana hindi siya magtaka at maghinala.

"Okay." reply niya. Ito na naman ako. Nawawalan na ako ng tanong para mas tumagal pa ang pag-uusap namin. Pero naubusan na ako. Matagal bago ako nakaisip ng bagong tanong.

Kahit siguro ilang ulit kong sitahin ang sarili ko, puso ko pa rin ang mananaig. Puso ko ang nananaig, pero pilit pa ring kinokontrol ng isip ko. Iniisip niya kung ano ang tama, pinapaliwang sa puso ko kung ano ang tama, na dapat hintayin niyang matupad ang pangakong iyon at hahayaan na niya ang puso kong gawin ang gusto nito.

"Wala ka bang nagugustuhan ngayon?" konektado sa nauna kong tanong. Pero gusto ko ring malaman ulit. Maaaring wala siyang lovelife, pero may nagugustuhan siya hindi ba?

Umaasa ako... umaasa akong... ako iyon. Sana sagutin niya.

"Meron naman. Kaso..." bitin ang reply niya. Gusto kong malaman kung ano ang kadugtong. Kaso... ano? Anong problema?

"Ano?"

"May mahal siyang iba." nalungkot ako sa isiping iyon. May mahal na pala siyang iba? Hindi na pala niya ako nahintay.

Ang sakit lang. Ang sakit-sakit. Ramdam kung sumisikip ang dibdib ko. Para akong mauubusan ng hangin sa sikip niyon. Para akong nawalan ng isang bagay na gustong-gusto kong maangkin sa buong buhay ko. Pero dahil hindi ako gumawa ng paraan para makuha siya, nawala sa akin.

Wala na pa lang saysay ang lahat ng paghihirap ko? Wala ng saysay ang pangakong pilit kong tinutupad. Kasi kahit makuha ko ang basbas ng ama niya, ang puso ni Aria, hinding-hindi ko na makukuha.

"Sorry. :(" Mabigat sa loob na nag-type ako sa kanya. Marahil iba ang ibig niyang ipagkahulugan sa paghingi ko ng tawad. Gusto kong magsorry dahil huli na pala ang lahat sa amin.

Ang umasa akong may pag-asa pa sa amin, ngayon, unti-unti na lang na nawawala, parang yelo na natutunaw.

Ngayon ko mas naramdaman ang pagsisisi. Gusto kong magalit sa sarili ko, sa lahat ng ginawa ko sa kanya; na labag sa loob kong ginawa, dahil inakala ko, yun ang makabubuti sa amin, dahil umasa din naman akong pagkatapos nang lahat, makukuha ko na rin siya.

Second year ako nang makilala ko siya. Transferee ako galing sa probinsya namin. Bago pa lang sa akin ang karamihan sa mga bagay na nasa paaralan dahil hindi naman ganoon kaunlad ang probinsyang pinaggalingan ko.

Mahiyain akong tao pero noong makilala ko siya, nailalabas ko ang kakapalan ng mukha ko. Nawawala bigla ang hiya ko kapag siya na yung kausap at kasama ko. Nakagaanan ko kaagad siya ng loob.

Hindi lingid sa akin na may nararamdaman na rin akong kakaiba para sa kanya. Marami ang nagkakagusto sa kanya at isa na ako doon. Maganda siya, matalino, mabait, nasa kanya na yata lahat ng gusto ko sa babae.

Kaya napagpasyahan kong ligawan siya. Hindi ko pa muna sinabi sa kanya dahil ang gusto kong unang makaalam ay ang mga magulang niya. Gusto kong makuha ang basbas nila.

Kusa akong pumunta sa bahay nila nang hindi niya nalalaman. Pinapasok ako ng ama niya sa loob at doon kami nag-usap. Wala doon ang kanyang ina dahil nagtatrabaho, at day-off naman sa trabaho ang ama ni Aria.

Sinabi ko sa kanya ang gusto ko. Nakinig naman siya sa akin. Sa buong oras na magkausap kami ay kinakabahan ako, namamawis ang noo, ilong, at kamay ko sa kaba. Pero nilakasan ko ang loob ko. Iniisip ko na lang kung ano ang magiging kapalit ng panandaliang kabang nararamdaman ko: ang basbas ng pamilya niya.

Pero umuwi rin akong bagsak ang balikat, pero may pinanghahawakan na pag-asa. Naaalala ko pa ang mga salitang sinabi ng ama niya sa akin.

"Alam mo, Vash, sobrang bata niyo pa para sa ganyang bagay. Sa totoo lang ay masaya akong kusa kang pumunta dito at hiningi ang basbas ko para ligawan ang anak ko." huminga siya ng malalim bago nagpatuloy. "Si Aria... nag-iisang anak namin si Aria. Over-protective kami ng ina niya sa kanya. Marami pa siyang mga pangarap sa buhay at gusto naming tuparin niya ang mga iyon para sa kinabukasan niya. Marami pang mga tao at taon na dadaan sa buhay niyo. Marami ka pang pagkakataon para magawa mo ang gusto mo, pero sana ay galangin mo ang desisyon kong... huwag muna sa ngayon. Hayaan mo muna siyang pagtuunan ng pansin ang pag-aaral at mga pangarap niya. Patapusin mo siya ng pag-aaral. Ikaw din ay gusto kong gawin din iyon. At kapag dumating na ang tamang panahon, at nasa tamang edad na kayo para magdesisyon para sa sarili ninyo, hahayaan kitang ligawan siya. Hahayaan kitang suyuin siya, yun ay kung gusto ka rin ng anak ko. Kapag ganun ay nasa sa iyo ang basbas ko. Mangako ka sa akin, Vash, para sa inyong dalawa ang ginagawa ko."

Nangako ako sa kanya tulad ng gusto niya. Iniisip lang naman niya si Aria at ang kinabukasan ng anak niya. Tama naman siya. Bata pa kami at marami pang pwedeng mangyari sa buhay namin. Besides, I still have the rest of my life to have her. Just wishing she has the same feelings with me, too.

Naiintindihan ko ang gusto niya. Umaasa akong makakaya ko ang lahat. Hihintayin ko siyang makatapos at liligawan ko siya.

Pero para magawa ang hinihingi niya, kailangan kong idistansiya ang sarili ko kay Aria. Kailangan kong pigilan ang sariling mapalapit pa lalo sa kanya. Dahil alam kong posibleng hindi ko matupad ang pangakong iyon kung mas lalo ko siyang makakasama. Masakit para sa aking gawin iyon pero alam kong iyon ang tama.

Tinatanaw ko na lang siya sa malayo. Tinatakot ang mga lalaking nagtatangkang lumapit at manligaw sa kanya.

Ilang beses na rin niyang sinabi sa aking may gusto siya. Masaya ako. Sobrang saya. Kahit joke lang para sa kanya ang bagay na iyon, pakiramdam ko, totoo iyon. Pero pinigil ko pa rin ang sarili ko. Sa halip na sabihin sa kanyang gusto ko rin siya, ginawa ko ang kabaliktaran. Mas lalo pa akong lumayo.

Araw ng graduation. Hindi ko maipaliwanang ang nararamdaman ko. Umaga pa lang ay sobrang taas na ng energy ko at parang gusto ko na lang tumalon nang tumalon. Masaya ako dahil ngayong araw na ito ay makakapagtapos na rin ako ng high school.

Maaga akong pumunta ng paaralan namin dahil gusto kong batiin din si Aria ng personal. Ito ang unang pagkakataong kakausapin ko siya matapos ko siyang layuan. Pero walang Aria akong nadatnan doon sa entablado. Si Fiona, ang bestfriend niya, ang nakatayo doon.

Tinanong ko siya kung bakit siya ang nandoon imbes na si Aria. Inutusan ko siyang sabihan si Aria na pumunta ng maaga sa paaralan dahil gusto kong makausap siya ng personal. Pero mismong si Fiona ay may gusto ding sabihin sa akin.

Sinabi niya sa aking nasabi ni Aria sa kanyang magtatapat si Aria sa akin ngayon. Hindi ko alam pero imbes na maging masaya, kinabahan ako. Para akong nagising at natauhan. Hindi ba't muntik ko na ring gawin iyon? At plano ko pang makipag-usap sa kanya ngayon.

Kaya labag man sa loob kong gawin, pinilit ko si Fiona na magpanggap kaming magnobyo at magnobya. Nagulat siya pero dahil iniisip niya rin si Aria, ang makabubuti sa kanya, pumayag siya.

Nabalik ako sa reyalidad nang makita kong may bago siyang reply. "Hindi mo naman kasalanan." Pero bakit pakiramdam ko meron akong kasalanan, Aria? "Hindi mo naman kasalanang may mahal kang iba, Vash. :) Hanggang ngayon, ikaw pa rin naman kasi. Ikaw pa rin ang mahal ko. Hindi naman kasi nagbago, Vash. Hindi ko nga alam eh. Pinilit ko namang kalimutan ka kasi hindi na tama itong nararamdaman ko. Nakakasakit na. Mahal kita pero may mahal kang iba, at si Fiona pa. Alam mo yung sa bawat bagay na ginagawa mo at pinapakita sa akin, umasa akong may dahilan iyon? Umasa akong ang dahilang iyon ay dahil pareho tayo ng nararamdaman sa isa't isa. Pero mali eh." nagulat ako sa biglaang pagtatapat niya sa akin. Ako? Ako ang mahal niya? Hanggang ngayon ba?

Naalala ko tuloy ang huli naming pagkikita. Nung graduation namin, after kong sinabi sa kanyang kami na ni Fiona. Ipinagtapat niya sa akin na mahal niya ako. Ikinagulat ko iyon lalo na at magkaibigan kami. Inaasahan ko nang sasabihin niya iyon. Dahil 'yun ang sabi ni Fiona sa akin. Pero kahit na ganun, hindi pa rin ako makapaniwala. Hindi ako nakakibo noon hanggang sa namalayan ko na lang na nawala na pala siya sa paningin ko.

"Aria..." hindi ko alam ang sasabihin. Magtitipa na sana ako ng isusunod kong reply sa kanya. Pero nagsend ulit siya ng panibagong message.

"Pero huwag kang mag-alala, sinabi ko lang ito sa'yo kasi gusto ko ring malaman mo ang totoo. Hindi kita pipilitin. Gusto kong sabihin sa'yo ang nararamdaman ko para hindi ako magsisi sa huli. Mas mabuti na 'to diba? Kaysa naman wala akong ginawa. Vash, mahal kita. Mahal na mahal." ramdam ko ang sakit sa bawat salitang binasa ko galing sa kanya. Sobra ko siyang nasaktan. At hanggang ngayon, nasasaktan pa rin siya. Ang sama ko pala.

Napansin kong off na ang chat ko sa kanya. Naglog-out na pala siya. Ngumiti ako ng mapait. I guess, I need to end this now.

Nagtipa ulit ako sa keyboard kahit alam kong hindi niya na ito mababasa ngayon. Ito yung matagal ko nang tinatago sa kanya. Pero pilit ko lang nilalaban ang sarili kong sabihin sa kanya. Ito yung katotohanan sa lahat ng kasinungalingang ipinakita ko sa kanya. At kahit alam kong huli na... gusto kong masabi pa rin sa kanya, kahit sa chat lang.

"Mahal din kita, Aria. Mahal na mahal."


Note: Want to know the real story behind this? Keep updated. I'll post it soon.