Tadhana
Naniniwala ka bang may tao talagang nakalaan para sayo? Naniniwala ka bang kahit ilang ulit mang umikot ang mundo ay magtatagpo pa rin ang mga landas ninyo? Naniniwala ka bang kahit hindi ka maghahanap, kusa niyo pa ring matatagpuan ang isa’t isa nang puno ng pangarap? Naniniwala ka rin bang sa iyong kahihintay, darating din ang pag-ibig na para sayo’y wagas at dalisay?
Sabi nga’y ang Diyos ang pinakamakapangyarihang nilalang na siyang may katha ng lahat ng nasa mundo na ating tinatamasa kabilang na ang buhay na dapat nating pakaingatan sa tuwina. Wala Siyang ibang nais kundi tayo’y mapabuti, maging masaya, at magkaroon ng katuwang para mas lalong magkaroon ng kulay ang ating buhay kahit ilang beses man tayong liparin ng malalakas na hangin, hampasin ng malalaking alon, lunurin ng nakapipinsalang baha, sunugin ng nananakmal na apoy, at gimbalin ng nakanginginig na paggalaw ng lupang kinatitirikan mismo ng ating mga paa. Sadya lang na napakabuti Niya sapagkat hangad din Niya na ipagkaloob sa atin ang katuwang na mamahalin at pahahalagahan tayo nang buo na tulad ng Kanyang laging ginagawa sa atin bilang Kanyang mga nilikha.
“Bakit wala pa rin hanggang ngayon? Bakit ang tagal naman niya. May darating kaya? Gusto ko na sana kaso wala namang nagkukusang magkagusto o manligaw man lang.” Iyan marahil ang isa lamang sa napakaraming mga tanong o pahayag sa isip ng isang tao. Kung magtitiwala lamang tayo nang lubos sa Kanya ay wala naman talaga tayong dapat ikabahala. Sabi nga’y abala pa ang Diyos sa paghahanap ng isang taong sa paningin at sa puso Niya’y pinakaperpekto para sa atin. Siya mismo ang may-akda ng ating tadhana at sa kwentong Kanyang sinimulan, tiyak na matatapos ito sa isang katapusang mag-iiwan sa atin ng ginintuang aral na maaaring maibahagi sa kapwa nating marunong umibig, masaktan, bumangon, magpatawad, at muling magmahal.
Wagas na pag-ibig nga raw kasi ang magtuturo sa tao ng kahulugan ng luha at ngiti, dilim at liwanag, at init at lamig. At dahil nais kong matuto, hihintayin ko ang pag-ibig na inilaan ng Diyos para sa akin at naniniwala akong sa tamang panahon ay magtatagpo rin ang aming mga landas. Sa pagkakataong iyan, magiging katuwang na kami ng Diyos sa pagpapatuloy ng pagsulat ng kwento ng isang pag-ibig na pinakaasam-asam. Ikaw? Naniniwala ka ba? Maghihintay ka ba? Hanggang kailan? Kung ano man ang sagot diyan sa puso mo, hangad pa rin ng Diyos ang natatanging kaligayahang itinadhana para sayo.
Maganda ang pagkakagawa ng tula. Nagustuhan ko. Nawa ay patuloy kang magyagumpay sa larangan ng pagsulat.
Maraming salamat! :)
love is blind... love is heaven also.. your writing is very appreciable...
Love makes the world smile. ❤❤❤❤ Thank you! :)